NI LUI QUEANO
Sa paghulaw ng nagdaangulan
Ramdam ang alingasngas ng hangin
Kahit pagatol-gatol lamang
Tumitiim sa kaibuturan
Lumilikha ng sugat
Kahit minsang pitik
Minimithi lagi ang katahimikan
Sa mga tikatik
Kahit sinusuway wari
Ng mga bubungan ng pananaginip
Marami pa ring kabalyerong
Nangangahas mag lakbay
Pangkating makabayan
Na walang dalang mithiin
Sa makikitid na daan ng tagumpay
Balakyot lagi ang paglaban
Lalo na’t pinupulot sa hangin
Ang mga kataga ng pagkatha
Hindi ito pag lalagom lamang
O paratang o kabalintunaan
Nagkalat ang kulto ng pag samba
Kung kaya ditto na bubulid
Ang pagbagsak ng bayan
Kabataang naliligaw ng landas
Panahonito ng pagninilay-nilay
Dapat sagutin ng mga makata
Mga baluktot na kataga
Kinakailangan ang pagtulig sa
Tuwirang tuwirinang mga salita
Halimbawa’y sa mga impeng dayo
Kumakamkam sa mga lupang katutubo
Hindi kailan man nagwawakas
Ang pagbaklas sa mga malinggawi
Lalo’t pinuno ang nag-uuwi
At siyang naghahari ng dahas
Ang makata’y manghuhubog
Hindi lamang ng mga salita
Upang mag-usig at lumikha ng alimpuyo
Pumapanig dapat sa pangunguna
Bumubuwag sa mga pedestal
Ng mga naghaharing-uri
Padron ng inaapi’t kinukutya
Episodyo ito nang panahong
Binabalinguyngoy ng maraming salita
Dahil maraming makata
Sinimsim ng rangya
Ngunit may higit na pintas na dapat ikatuwa
May anyo ang makata
Kapag pumupurol na ang pluma
Dapati hasa’t ipangtaga
Upang sumuhay ang ragasa!
The post May Anyo ang Makata appeared first on The Manila Times Online.