Quantcast
Channel: The Sunday Times Magazine – The Manila Times
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3337

Ang mga Tatsulok ni Susubero

$
0
0

(Ikalawang Bahagi)

Binabagabag pa din ako sa kinuwento ni Ka Ester tungkol kay Susubero kahit hanggang makauwi na kami sa bahay. Pati si Tupe ay parang ayaw na ding lumabas. Dalawang araw mula nang makausap namin si Ka Ester ,sari-saring mga palusot ang binubuo ni Tupe para hindi lumabas ng bahay. Inaaliw na lang ang sarili sa pagkukutingting ng mga lumang laruan niya. Minsan niyaya niya akong maglaro pero madalas ay tumatahimik siya.Binabaling ang pansin sa kung ano mang pwedeng gawin. Pansin ko din ang bahagyang pag-iwas sa akin si Tupe. Alam kong parehas naming iniisip ang nangyari kay Susubero pero kapwa ayaw naming pag-usapan ang nalaman namin.

Isang umaga, nahuli ko siyang binubukas-sara ang kahon ng posporo na lagayan niya ng gagamba. Nasa tapat siya ng puno ng bayabas sa harapan ng bahay. Nakita kong tinaktak niya ang gagamba sa isang dahon nito. Pipihit na sana papasok sa pinto si Tupe nang dumating ang mga kaibigan namin.

“ Uy Tupe! Manguha na tayo ng gagamba!” ang sigaw ng mga ito.

“ Kayo na lang! Hindi na kase ako pinayagang manghuli ng gagamba ni Tatay e,” ang sagot ni Tupe.
“ Sumasama ka naman dati sa’min e,” pamimilit ng mga ito.

“ Mahirap na kase baka may mga adik dun,” ang sagot ni Tupe. Halatang gustong-gusto na niyang umalis ang mga kalaro.

“Sus! Takot ka lang kay Susubero e!” ani isang kalaro namin.

“Wala ka pala e! Duwag ka,” ani isa pa.

“Takot kay Susubero! Takot kay Susubero!” sabay- sabay nilang pangungutya.

“Isa…dalawa, isa…dalawa,” pang-gagaya ng isa pa kay Susubero na humahawak din sa noo at sentido. Nagtawanang lalo ang mga kalaro namin.

“Hindi ako takot!” buong tapang na sabi ni Tupe. Kinukuyumos nito ang laylayan ng kanyang kamiseta.

“Patunayan mo nga! Ikuha mo kami ng gagamba sa plaza. Yung pinaka-malaki na makikita mo. Hihintayin ka namin bukas. ‘pag di mo yung nabigay, kalas ka na sa grupo natin,” paghahamon ng isa naming kalaro.
“Call ako diyan! Bukas, bibigay ko sa inyo,” sagot ni Tupe.

“Sige. Bukas. ‘Tu-tupero’!” At nagtawanan na naman ang mga kalaro namin. naghahamapasan pa sila ng balikat sa sobrang kakatawa.

Galit na galit si Tupe nang pumasok ito sa bahay. Hindi niya alam na narinig ko ang pustahan nilang magkakaibigan. Sinundan ko siya papasok sa kwarto namin.

“Seryoso ka bang mangunguha ka pa ng gagamba? Di’ba sabi ni Ka Ester…” ang tanong ko sa kanya.
“Alam ko kung anong sinabi ni Ka Ester,” putol ni Tupe sa’kin. “Alam ko din na hindi ako duwag,” dugtong pa niya.

“Sige sasama ako sa’yo bukas,” ang sabi ko.Kinakabahan man ako, hindi ko pwedeng iwanan nalang ang pinsan ko.

“Madaling araw tayo aalis. Mga alas-singko. Maga-dala ka ng flashlight. Yun ang pinaka-mainam na oras manghuli ng gagamba. Tiyak makakakuha tayo ng malaki.”

“Madaling araw?” takot na tanong ko.

“Bakit, naduduwag ka? ‘Wag ka nang sumama kung duwag ka,” paghahamon sa akin ni Tupe.

“Hindi ‘no. Sasama ako. Pero anong sasabihin natin kay Tito ‘pag nakita tayo?” tanong ko sa kanya.

“Bahala na. Makakaisip din ako ng sasabihin.” Iyon lang at nag-umpisa na siyang maghanda para sa lakad namin. Kumuha siya ng garapon at flashlight sa kusina at ipinasok ito sa kanyang bag.

Wala pang alas-kwatro kinabukasan ay gising na kami ni Tupe. Dahan-dahan kaming lumabas ng pintuan bitbit ang mga gamit namin. Kapwa kami hindi nakatulog. Buti nalang at naghihilik pa si Tito sa sala kaya di niya kami namalayang umalis. Malamig ang halik ng hamog sa aking mga pisngi. Palinga-linga kaming dalawa sa paligid. Itinuon ko sa nilalakaran namin ang flashlight na dala ko. Maliban sa mga kuliglig, kami lang dalawa ang kumikilos sa paligid.

Isang paniderya ang nadaanan naming bukas ang ilaw ngunit sarado pa ang bilihan ng tinapay. Nag-uumpisa palang sila sigurong mag-masa ng harina. Maging ang kay Ka Ester na tindahan ay sarado pa din.

Wala pang kinse minutos nang marating namin ang puno ng kaymito sa gilid ng plaza. May poste man ng ilaw, gaya nang sinabi ni Ka Ester, pundido naman ang dalawa dito kaya’t kaunti lang ang naabot na ilaw sa paligid. Takot na takot ako habang kinukuha ni Tupe ang garapon sa bag niya.
“Tupe…” umpisa ko.

“Huwag ka bayang maingay!” suway niya sa kin. Nanginginig ang mga kamay niya habang pilit binubuksan ang garapon. “Mabilis lang tayo,” ang sabi niya, ngunit mas sa sarili niya kaysa sa akin.

Nag-uumpisa pa lang naming hawiin ang mga naka-yungyong na dahon ng kaymito nang may marinig kaming mga boses sa tagiliran namin.

Natigilan kami ni Tupe. Dali-dali niyang itinuon ang flashlight niya sa pinanggagalingan ng boses nang bumulaga sa amin ang grupo ng mga lalaking nagkukumpulan sa gilid ng drum na may mga Moriones. Parang wala sa sarili ang mga lalaki. Gulu-gulo ang buhok at may pinapasa-pasang puting pulbos na nasa plastik. Ang isa sa kanila ay may dalang hiringgilya. Galit na galit ang mga ito dahil nasilaw namin sila ng flashlight namin.

“Takbo!” sigaw ni Tupe. Nang nag-umpisang tumayo ang ilang lalaki sa grupo ng mga lalaki. Nanigas ang buo kong katawan. Hindi ko magalaw ang mga paa ko sa sobrang takot.

“Takbo na baya!” muling sigaw ni Tupe sabay hila sa aking braso. Nabitawan ko ang flashlight na hawak ko at halos madapa ako sa bilis nang takbo ni Tupe. Alam kong maabutan kami ng mga lalaki na yun! Alam kong matuturukan din kami! Malapit na kaming mahagit ng isa sa mga lalaki nang bigla itong sumigaw.

“Uy! Bero! Alam mo na ba ang sukat ng pabaliktad na tatsulok?” sigaw nito at nagtawanan ang mga lalaki.

Hindi na kami lumingon sa direksyon nila. Tuluy-tuloy kami sa pagtakbo hanggang makarating kami sa bahay.

Nagtitilaukan na ang mga tandang nang makapasok kami sa gate. Hingal na hingal kami. Basang-basa nang luha ang mga pisngi namin ni Tupe. Mabuti nalang ang tulog pa din si Tito nang pumasok kami at naglinis ng katawan. Itiwalag na kami sa kahit saang grupo pero hinding-hindi na kami mangunguha ng gagamba kahit na kailan.

Hindi pa man tumitirik ang araw ay nasa labas na ang mga kalaro namin.

“Tu-tupero!” ang tawag ng mga ito sa labas.Tatawa-tawa pa ang mga ito nang lumabas kami ni Tupe.

“Hindi ko nagawa ang pinag-usapan natin. Kakalas na’ko sa grupo,” sabi ni Tupe sabay pasok sa loob ng bahay. Maya-maya pa niyaya ako ni Tupe na lumabas. May gagawin daw kami sa plaza. Bumili ito ng monay pagdaan namin sa tindahan ni Ka Ester at isinilid ito sa kanyang bulsa.

Itutuloy…

The post Ang mga Tatsulok ni Susubero appeared first on The Manila Times Online.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3337

Trending Articles